
Nakataas na sa heightened alert ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) bilang paghahanda sa mga posibleng kilos-protesta kaugnay ng nalalapit na pagdinig ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na ang lahat ng yunit ng pulisya na maging mapagmatyag at i-monitor ang anumang malalaking pagtitipon upang matiyak ang seguridad at kaayusan ng publiko, anuman ang panig o grupong lalahok sa mga aktibidad.
Bilang bahagi ng paghahanda, nag-utos si Nartatez sa mga regional unit na magpakalat ng Civil Disturbance Management (CDM) teams at magtalaga ng mga medical emergency responder sa mga istratehikong lugar.
Binigyang-diin ng hepe ng pambansang pulisya na habang iginagalang ang karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag, prayoridad pa rin ang kaligtasan ng lahat.
Tiniyak niya na paiiralin ang maximum tolerance at inatasan ang mga tauhan na manatiling propesyonal, umiwas sa komprontasyon, at mahigpit na sumunod sa umiiral na batas.
Kasabay nito, nanawagan ang PNP sa mga tagasuporta at kritiko ng dating pangulo na panatilihin ang kahinahunan at huwag magpadala sa emosyon na maaaring humantong sa kaguluhan o karahasan.
Ang hakbang na ito ng PNP ay bunsod ng nakatakdang pre-trial “confirmation of charges” hearing sa The Hague sa darating na Lunes, Pebrero 23.
Sa nasabing apat na araw na pagdinig, pagpapasyahan ng ICC kung sapat ang ebidensya laban kay Duterte hinggil sa mga alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa kaniyang kampanya laban sa ilegal na droga.










