
Nakaalerto na ang lahat ng units ng Philippine National Police (PNP) para sa pagtama ng Bagyong Wilma sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Ayon kay Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio Nartatez Jr., paiigtingin ng ahensya ng koordinasyon nito sa mga lokal na pamahalaan at concerned agencies para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga residente na maaapektukhan ng pananalasa ng nasabing bagyo.
Dagdag pa ni Nartatez, nakahanda na ang kapulisan para sa mga posibleng pre-emptive evacuation at prepositioning ng mga mobility and rescue assets.
Nagbigay din siya ng paalala sa mga opisyal na patuloy na mag-monitor sa estado ng panahon para mapaghandaan ang mga kinakailangan gawin.
Samantala, hinikayat din ni Nartatez ang publiko na maging alerto, makinig sa mga updates patungkol sa panahon at makipagtulungan sa mga awtoridad para manatiling ligtas sa panahon ng sakuna.










