
Nagpahayag ng kahandaan ang Philippine National Police (PNP) na umalalay sa posibleng extradition o paglilipat kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa Estados Unidos.
Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Allen Rae Co, susunod lamang ang kanilang hanay sa anumang kautusan ng korte upang matiyak ang seguridad at maihatid si Quiboloy sa paliparan sakaling matuloy ang extradition.
Nabatid na nag-isyu ang Makati Regional Trial Court ng extradition arrest warrant at hold departure order laban kay Quiboloy at dalawa pa nitong kapwa akusado.
Kaugnay ito ng mga kasong international human trafficking, sex trafficking, conspiracy, at bulk cash smuggling na kinahaharap ng mga ito sa Estados Unidos.










