Ipinag-utos na ng Philippine National Police (PNP) ang pagbawi sa lisensiya ng dating alkalde ng Bangued, Abra na si Ryan Seares Luna, kaugnay ng dalawang insidente ng pamamaril na nauwi sa pagkamatay ng dalawang tao.

Ayon kay Abra Provincial Director Froilan Lopez, personal na inihatid sa tahanan ni Luna sa Barangay Dangdala ang kautusan ng pagbawi ng kanyang lisensiya at pagrerehistro ng 18 baril.

May tatlong araw si Luna para isuko ang kanyang mga armas, batay sa pahayag ng Regional Civil Security Unit.

Ang hakbang na ito ay base sa dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril noong Abril 21 sa Tayum at Abril 27 sa Bangued, kung saan siya ay itinuturing na suspek.

Isinampa na rin ang kasong kriminal laban kay Luna sa Department of Justice noong Abril 30 para sa dalawang bilang ng murder.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa PNP, kung hindi isusuko ni Luna ang kanyang mga baril sa itinakdang panahon, magsasagawa sila ng agarang operasyon para kumpiskahin ito.