Nilinis ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes ang pangalan ni Alvin Que matapos isiwalat ng isa sa mga nahuling suspek na siya umano ang nag-utos sa pagpatay sa kanyang sariling ama na si Chinese businessman Anson Que.
Sa isang press conference, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na noon pang Lunes ay may intensyon na ang Anti-Kidnapping Group (AKG) na alisin si Alvin sa listahan ng mga respondent sa kaso.
Dagdag pa niya, sinabi na ng mga abogado ng AKG na wala kasing sapat na ebidensya na mag-uugnay kay Alvin Que sa kaso ng kidnapping at sa kalauna’y pagpatay sa kanyang ama.
Kaya’t sa ngayon, malinaw na hindi na kabilang si Alvin sa mga itinuturong sangkot sa krimen.
Matatandaang dinukot at kalauna’y pinatay ang negosyanteng si Anson Que.
Isa sa mga suspek na naaresto ang umano’y nagsabing si Alvin ang nasa likod ng krimen.
Ngunit matapos ang masusing imbestigasyon, lumitaw na walang matibay na ebidensya na magdidiin sa kanya.