Target ng Philippine National Police (PNP) ang mga Muslim sa pagbubukas ng kanilang Online Recruitment Application System (ORAS) para sa mga gustong magpulis.
Bagamat bukas ang aplikasyon sa lahat ng Pilipino na may edad 21 hanggang 30 ay hinikayat ni Lieutenant Colonel Chevalier Iringan, tagapagsalita ng Police Regional Office II ang mga Muslim sa rehiyon na mag-parehistro at mag-apply online.
Ito ay sa pamamagitan ng pagpunta sa website ng PNP directorate for personnel and records management na www.pnporas.pnp-dprm.com
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Iringan na magiging epektibo ang PNP kapag nadagdagan sila ng mga Muslim na pulis dahil pamilyar ang mga ito sa kanilang nasasakupan.
Kailangan lamang na nakatapos ng apat na taong kurso sa kolehiyo at pumasa sa board exam o di kaya ay may civil service eligibility o pumasa sa PNP entrance exam ng National Police Commision (NAPOLCOM).
Dagdag pa ni Iringan na magiging centralized ang recruitment sa ilalim ng programang ORAS upang maiwasan ang korupsyon sa pagpasok sa organisasyon.
Tatanggap aniya ng P29,000 na sahod ang mga bagong pulis na may ranggong patrolman (dating PO1) bukod pa sa mga allowance.
Sa iba pang katanungan ng mga interesadong maging pulis, makipag-ugnayan lamang sa Regional Police Office.