Pinapaigting pa ng Philippine National Police ang kampanya laban sa mga nagbebenta ng mga sanggol online.
Ito ay kasunod ng pagkakasagip sa isang buwang gulang na sanggol na ibinenta umano sa Facebook ng tagapag-alaga nito sa halagang P90,000.
Ayon sa PNP Women and Children Protection Center (WCPC), isinagawa nila ang entrapment operation sa Pasay City noong July 3 at iligtas ang sanggol.
Kaugnay nito, binatikos ng National Authority for Child Care (NACC) ang nasabing modus operandi ng pagbebenta ng mga sanggol sa kabila ng mahigpit na babala ng pamahalaan laban sa mga sangkot dito.
Binigyang-diin ng NACC na isang imoral at iresponsable ang pagbebenta ng mga sanggol.
Idinagdag pa ng NACC na maaari namang lumapit ang isang ina o magulang na nag-iisip na hindi kayang buhayin ang anak sa barangay o sa Local Social Welfare and Development Office para humingi ng tulong o suporta.
Umaapela si NACC Undersecretary Janella Ejercito Estrada na huwag sanang pagkakitaan at ilagay sa panganib ang mga bata.
Dahil dito, pinaigting pa ng PNP WCPC ang operation laban sa iligal na pagbebenta ng mga sanggol online.
Ayon sa PNP, umaabot na sa 11 na mga bata ang kanilang nasagip at naaresto ang 16 na salarin ngayong taon, kung saan ang isa ay nahatulan na.
Ayon sa PNP WCPC, nitong June 16, may namonitor sila na 12 Facebook group na aktibong umanong nangangasiwa ng “online baby selling.”
Ang nasabing online page ay may pinasama-samang 200,000 followers.