TUGUEGARAO CITY-Walang umanong katotohan ang naging pahayag ng Henry Abraham Command-New Peoples Army (NPA) na kasinungalingan at pawang gawa-gawang kwento ang ipinagkakalat ng PNP-Buguey na nagkaroon ng engkwentro sa Barangay Villa Cielo sa nasabing bayan.
Sa naging panayam kay P/capt Joel Labasan, hepe ng PNP-Buguey, malayong mangyari na “mis-encounter” dahil magkakasama ang pwersa ng 14th Battalion Special Action Force (SAF)at 203rd Regional Mobile Force Battalion na nagpapatrolya sa lugar.
Naniniwala si Labasan na inilabas ang naturang pahayag ng makakaliwang grupo dahil hindi sila pabor sa pagpapatayo ng CAFGU detachment sa nasabing Barangay dahil hindi nila naisasagawa ang kanilang mga paninikil sa mga tao.
Una rito, naglabas ng pahayag ang Henry Abraham Command New Peoples Army (NPA) at sinasabing hindi mga tropa ng NPA ang nakasagupa ng mga miembro ng pamahalaan noong Hulyo 15,2020 sa halip ay PNP at AFP ang nagkaengkwentro.
Batay pa rin sa pahayag ng makakaliwang grupo, nais lamang na palabasin ng mga miembro ng pamahalaan na engkwentro ang nangyari upang pagtakpan ang misencounter sa hanay nila.