Nagsagawa ang Police Regional Office 2 ng unity walk kahapon sa Tuguegarao City para sa pagtiyak ng ligtas, malinis at mapayapang halalan sa darating na Mayo.
Maliban sa unity walk, isinagawa rin ang Interfaith Rally, Candidates’ Forum, at Peace Covenant Signing na naglalayong patibayin ang integridad ng halalan at mapanatili ang kaayusan sa probinsya.
Dinaluhan ng mga aspiring candidates, iba’t ibang sektor, kasama ang mga religious organizations at law enforcement agencies sa pakikipagtulungan ng Commission on Elections o Comelec Region 2 ang Unity Walk mula Bartolome St., Caggay patungong Camp Marcelo Adduru, Tuguegarao City.
Sa ginanap na forum, nangako ang mga aspiring candidates na tumulong sa pagdaraos ng isang malinis at patas na eleksyon habang inilatag ng Comelec ang mga bawal sa panahon ng kampanya.
Lumagda rin ang mga aspiring candidates at mga stakeholders ng isang kasunduan para tiyakin ang isang maayos, tapat, at walang karahasang halalan sa isinagawang peace covenant signing.
Nagpahayag naman ng suporta ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensiya para masiguro ang integridad ng halalan sa lalawigan at sa buong rehiyon dos.
kaugnay nito, hinikayat ng mga awotoridad ang publiko na makipagtulungan at maging mapagmatiyag at para maiwasan ang anumang election related incidents.
Batay sa calendar of activities ng comelec, opisyal na mag-uumpisa ang pangangampanya o campaign period ng mga local candidates sa darating na Marso 28, hanggang Mayo 10, 2025.