TUGUEGARAO CITY-Tiniyak ng Police Regional Office 2 (PRO2) ang kanilang kahandaan sa ligtas at mapayapang halalan kasabay ng pagsisimula ng campaign period para sa mga local candidates ngayong araw Marso 25, 2022.
Sa panayam kay PLTCOL Efren Fernandez, tagapagsalita ng PRO2, nakaalerto ang kanilang hanay upang bantayan ang mga nasasakupang lugar para matutukan ang kanilang anti-criminality campaign.
Sinabi niya na nagkaroon na sila ng pagpupulong katuwang ang mga miyembro ng Regional Law Enforcement Committee at napag-usapan na ang paglalatag ng mga hakbang na dapat sundin para sa mapayapa at malinis na halalan.
Sa ngayon aniya ay wala pa namang naitatalang paglabag sa umiiral na election gun ban sa mga nakalatag na checkpoints maliban lamang sa police operations na inilunsad sa iba’t ibang tanggapan ng pulisya kung saan nagresulta sa pagkakahuli ng 16 na indibidwal at pagkakakumpiska ng halos 25 mga baril sa mga ikinasang police operations.
Sinabi ni Fernandez na sa ngayon ay hinihintay din ng kanilang hanay ang ibababang listahan ng COMELEC kaugnay sa mga lugar na itinuturing na areas of concern gayonman ay maigting pa rin ang kanilang monitoring sa mga lugar na natukoy na hot spot areas noong nakaraang eleksyon.
Ayon pa sa kanya, kasabay ng nalalapit na araw ng halalan ay inaasahan din ang pagkakaroon ng augmentation ng mga police personnel na tutulong sa pagtiyak ng ligtas na eleksyon.
Umapela naman si Fernandez sa publiko at sa mga kandidato ng pakikiisa at pagsunod sa mga pinaiiral na panuntunan upang mapanatili ang katahimikan at kapayapaan sa lambak ng Cagayan.