TUGUEGARAO CITY- Naka-lockdown ngayon ang main PNP station sa Tuguegarao City matapos magpositibo sa covid-19 ang isang non uniformed personnel.
Sinabi ni P/LT. Franklin Cafirma, tagapagsalita ng PNP Tuguegarao, 23 na mga pulis ang naka-strict quarantine sa nasabing himpilan na direktang nakasalamuha ang pasyente.
Naka-isolate naman ang NUP sa covid ward na sa Cagayan Valley Medical Center.
Ayon kay Cafirma, sinabi ng pasyente na maging siya ay hindi niya alam kung siya ang carrier o nahawa lang siya sa virus.
Sinabi niya na nagpasiya ang NUP na magpa-check-up noong Sabado matapos na makaranas ng pangangati sa kanyang lalamunan at nawalan ng gana sa pagkain.
Nagulat umano siya ng lumabas ang resulta ng kanyang swab test na positibo siya sa sakit.
Dahil dito, sinabi ni Cafirma na suspended muna ang issuance ng police clearance at oplan visa sticker.
Idinagdag pa ni Cafirma na dahil sa marami sa kanila ang naka-quarantine ay magbibigay ng augmentation ang ibang police station para tumulong sa iba pang police station sa lungsod.