
Tumanggi ang Philippine National Police (PNP) na magbigay ng detalye kaugnay ng ulat na posibleng bumiyahe si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa patungo sa isang lalawigan sakay ng isang yate.
Ayon kay PNP Public Information Office acting chief Police Colonel Allen Rae Co, hindi muna maaaring talakayin ang mga operasyon ng pulisya upang hindi makompromiso ang mga tauhan at nagpapatuloy na mga aktibidad.
Nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na bineberipika nito ang mga ulat na namataan umano si Dela Rosa sa isang yate.
Kinakaharap ni Dela Rosa ang arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court kaugnay ng mga pagpaslang na iniuugnay sa kampanya kontra droga ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang umalis si Dela Rosa sa gusali ng Senado noong Mayo 14 matapos ang ilang oras na lockdown habang nasa ilalim siya ng protective custody ng Senado. Sa kasalukuyan, naka-deploy ang mga tracker team upang hanapin at arestuhin ang senador.




