TUGUEGARAO CITY-Balik operasyon na ang Tuguegarao City PNP main station bukas, Setyembre 7,2020 matapos pansamantalang isinara kasunod ng pagpositibo sa covid-19 ng ilan sa mga PNP-personnel at detainees.
Ayon kay PLt. Franklin Cafirma, information officer ng PNP-Tuguegarao, nasa 65 na pulis ang marereport bukas na unang nakatapos ng kanilang 14-day quarantine at negatibo naman sa virus.
Kaugnay nito, sinabi ni Cafirma na lahat ng kanilang services ay balik operasyon na kabilang ang pag-isyu ng police clearance.
Aniya, nagkaroon ng dis-infection sa buong PNP-station nitong nakalipas na mga araw para matiyak na wala nang madadapuan ng virus sa mga personnel at mga kliyente.
Matatandaan na isinailalim sa lockdown ang main station ng PNP Tuguegarao matapos magpositibo sa virus ang isang non-uniformed personnel kung saan nahawa rin ang hepe maging ang deputy nito at ilang pulis.
Samantala, sinabi ni Cafirma na nasa 17 pulis pa ang positibo sa covid-19 ang kasalukuyang minomonitor sa Cagayan Valley Medical Center at quarantine facility sa Gosi National High School.