TUGUEGARAO CITY-Nakapagtala ng 705 katao na nadakip sa Tuguegarao City dahil sa paglabag ng Enhanced Community Quarantine laban sa Coronavirus disease (Covid-19) na ipinatupad noong Marso 17 hanggang Abril 30, 2020.

Ayon kay P/Lieutenant Colonel Jhonalyn Tecbobolan, bagong chief of police ng PNP-Tuguegarao, mula sa nasabing bilang, 287 dito ay lumabag sa social distancing, 330 curfew hours, 58 hindi pagsusuot ng face mask, 23 liquor ban at pito ang nagbebenta ng over pricing partikular ang alcohol.

Sinabi ni Tecbobolan, nakalabas na ang ilan sa mga nahuli matapos ang 12 oras na pagkakakulong at ang ilan ay nagbayad na ng kanilang multa habang ang iba ay tuluyan ng kinasuhan.

Tinig ni P/Lieutenant Colonel Jhonalyn Tecbobolan

Nakapagsagawa rin ng anim na operasyon laban sa illegal na droga ang kanilang hanay kasabay ng ECQ kung saan pitong katao ang kanilang naaresto.

Pawang mga street level ang kanilang nahuli kung kaya’t inaalam na ng kapulisan kung sino ang kanilang supplier ng shabu.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, apat na operasyon naman ang kanilang naisagawa sa illegal gambling na sanhi ng pagkakahuli ng 21 katao na mula sa iba’t-ibang barangay sa lungsod.

Sa kabila nito, sinasabi ni Tecbobohan na bumaba ang crime rate sa lungsod kasabay ng ECQ at kanila pa ring ipagpapatuloy ang pagbabantay kahit nakasailalim na sa GCQ ang lungsod.

Tinig ni P/Lieutenant Colonel Jhonalyn Tecbobolan

Samantala, sinabi ni Tecbobohan na tanging ang mga mayroong valid I.D lamang ang kanilang pinapapasok sa lungsod kasabay ng pagsailalim ng GCQ sa Region 02.

Ngunit, mahigpit nilang hindi pinapapasok ang mga residente na mula sa bayan ng Baggao maliban nalang kung dadaan lamang sa lungsod dahil hanggang sa ngayon ay kasalukuyan pa rin ang contact tracing sa mga nakasalamuha ni PH7918 na mula sa nasabing bayan.