Ibinunyag ng Commission on Human Rights (CHR) na gumagamit ang mga pulis ng Duterte-era policy para tumangging magbigay ng impormasyon kaugnay ng mga namatay sa war on drugs.

Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni CHR Chairperson Richard Palpal-latoc na plano nilang maglabas ng initial report sa 400 kaso sa Nobyembre, pero mabagal ang imbestigasyon dahil hindi sila binibigyan ng sapat na records ng PNP at iba pang ahensya.

Dagdag ni Palpal-latoc, ginagamit ng PNP bilang depensa ang Executive Order No. 2 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nagtatakda ng mga exception sa Freedom of Information (FOI), kabilang na ang pagturing sa mga police investigation bilang confidential.

Iginiit naman ni Rep. Chel Diokno na hindi katanggap-tanggap ang ganitong dahilan dahil sapat na ang mga police reports mismo para makita kung sino ang sangkot sa mahigit 4,000 drug war killings.

Nanawagan siya na magsampa ng kaso sa korte upang ideklarang contempt ang mga hindi nakikipag-cooperate sa CHR.

-- ADVERTISEMENT --

Sumang-ayon si Palpal-latoc at sinabing tinitingnan nila ang hakbang na ito bilang bahagi ng kanilang estratehiya.