
Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na wala itong natatanggap na beripikadong intelligence information kaugnay ng umano’y plano ng mga grupong sumusuporta kay Vice President Sara Duterte na lusubin ang Malacañang Palace sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12.
Ayon kay PNP Public Information Office acting chief Police Colonel Allen Rae Co, nananatiling alerto at handa ang pulisya upang tugunan ang anumang banta sa seguridad kaugnay ng mga aktibidad para sa pagdiriwang.
Lumabas ang usapin matapos magbahagi ng pahayag ang kolumnistang si Ramon Tulfo sa social media tungkol sa umano’y planong pag-atake sa Malacañang na pinamumunuan umano ng isang religious sect.
Gayunman, iginiit ng PNP na walang nakukumpirmang impormasyon ukol sa naturang alegasyon. Dagdag pa ni Co, kabilang sa mga natalakay sa pulong nina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at mga opisyal ng PNP ang mga paghahanda sa seguridad para sa Araw ng Kalayaan.
Tiniyak ng PNP na nakahanda ang mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lahat ng aktibidad kaugnay ng pagdiriwang sa Hunyo 12.




