Nagbabalatkayo umano ang Philippine offshore gaming operators (Pogos) bilang restaurants at resorts upang iwasan ang total ban na ipinataw ng pamahalaan laban sa kanilang operasyon.
Sinabi ito ni Interior Secretary Juanito Victor Remulla sa mga miyembto ng Commission on Appointments (CA) kahapon.
Sa pagdinig sa kanyang confirmation, sinabi ni Remulla na may mga beripikadong impormasyon na ang ilang Pogo companies ay umiiwas sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipasara ang lahat ng Pogo ngayong taon.
Kasabay nito, sinabi ni Remulla sa tanong ni Senator Risa Hontiveros, na mahalaga ang close coordination sa pagitan ng law enforcement agencies at local government units para sa pagpapatupad ng nationwide Pogo ban.
Ipinunto kasi ni Hontiveros, na unang nagsagawa ng serye ng mga pagdinig sa Senado sa mga krimen na iniuugnay sa Pogo, na ang mga taong nasa likod ng ilang gamblig hubs ay nag-decentralized ng kanilang mga operasyon sa pamamagitan ng mas maliliit na pasilidad.
Sinabi ni Remulla na ang pinakalamalaking pagbabalatkayo na ginagawa ng mga nasa likod ng Pogo ay kumukuha ng permit para sa resorts at restaurants.
Tinukoy ni Remulla ang raid noong August 31 ng Bureau of Immigration at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa isang resort sa Lapu-lapu City, Cebu, na nadiskubre na ito ay prente para sa Pogo hub.
Mahigit 160 na dayuhan ang hinuli sa nasabing operasyon, na ito rin ang naging sentro ng imbestigasyon ng Senado.
Sinabi ni Remulla na batay sa pahayag ng PAOCC, na ang ilang indibidual na nasa likod ng Lapu-lapu Pogo ay nasangkot din sa Pogo complex sa Porac, Pampanga, na ipinasara ng pamahalaan dahil sa umano ay illegal activities tulad ng scams, kidnapping at human trafficking.