Patay ang police chief ng El Salvador na lider ng war on gangs matapos na bumagsak ang kanyang sinakyang helicopter habang sakay ang isang pugante.
Namatay si Mauricio Arriaza Chicas kasama ang walong iba pa nang bumagsak ang helicopter sa Pasaquina, malapit sa border ng Honduras.
Nagdeklara si Pangulong Nayib Bukele ng tatlong araw na pagluluksa sa kanilang bansa bilang pagkilala kay Arriaza, na namuno sa kampanya ng El Salvador laban sa criminal gangs buhat noong March 2022.
Nagresulta ang kontrobersiyal na kampanya sa pagkakahuli ng halos 82,000 suepected gangsters sa ilalim ng state of emergency na naghintulot sa pag-aresto na walang warrants.
Dumating si Arriaza sa border ng takipsilim, kung saan ipinasakamay ng mga opisyal ng Honduras si Manuel Coto, dating manager ng Cosavi credit union sa kustodiya ng pulisya.
Ayon sa militar ng El Salvador, tumakas si Coto matapos na lustayin ang nasa $35 million at naaresto siya noong Linggo habang bumabiyahe kasama ang human trafficker papunta sa Estados Unidos.
Ipinasakamay ng Honduras si Coto sa mga awtoridad ng El Salvador sa pamamagitan ng Interpol.
Kaugnay nito, sinabi ni Pangulong Bukele na hihingi siya ng international assistance sa pag-iimbestiga sa nasabing insidente.