Hinatulang makulong ng hanggang 14 taon ang isang police colonel dahil sa pagpatay sa drug suspect sa Baguio City noong July 18, 2016, wala pang isang buwan matapos na maupo ang noon ay Pangulong Rodrigo Duterte at inilunsad ang kanyang war on drugs.
Sa 39 na pahinang desisyon, napatunayan ng Baguio City Regional Trial Court Branch 60 na guilty si Police Col. Dante Lubos sa kasong homicide kaugnay sa pagkamatay ni Ryan Dave Almora sa isinagawang drug bust sa loob ng bahay ng biktima.
Sa nasabing panahon, pinuno ng Central Intelligence Unit ng Baguio City police si Lubos.
Siya ngayon ang kasalukuyang Regional Headquarters Support Unit chief ng Police Regional Office 3.
Hinatulan ni presiding Judge Rufus Gayo Malecdan Jr.si Lubos ng 10 hanggang 14 taong pagkakabilanggo at inatasan siya na bayaran ang pamilya Almora ng P1.45 million bilang danyos, lawyer’s fees at civil indemnity.
Sa ruling, hindi kumbinsido ang judge na “nanlaban” ang biktima, dahil walang nakitang indikasyon na ito ay nanlaban sa mga awtoridad.
Inihain ang reklamo laban kay Lubos sa kasong murder at theft tatlong taon matapos ang insidente noong August 23, 2019, sa Baguio City Prosecutor’s Office.
Subalit, ibinaba ang kaso sa homicide noong 2020, at bagamat nag-plead not guilty, inamin ni Lubos na binaril niya si Almora sa nasabing operasyon, kung saan sinabi niya na kailangan umano itong gawin dahil sa sitwasyon at bilang pagtupad sa kanyang tungkulin.
Sinabi niya na binaril niya ang biktima para protektahan ang kanyang sariling buhay at iba pang mga pulis at isang sibilyan na kasama sa buy-bust operation.
Subalit ang kanyang pag-amin, kasama ang testimonial at documentary evidence na iprinisinta ng prosecution ay napatunayan na binaril at pinatay ni Lubos si Almora na walang kalaban-laban.
Ang mabigat na ebidensiya sa kaso ay mula kay Dr. Jaime Leal, retiradong medical officer ng Baguio City Police’s Crime Laboratory na kasama sa lupon na nagsagawa ng pagsusuri sa mga ebidensiya sa crime scene.
Batay sa medicolegal findings at opinyon ni Dr. Leal, sinabi ng korte na binaril ng tatlong beses si Almora, kung saan ang unang bala ay tumama sa kanyang tiyan na dahilan ng kanyang pagkamatay.