Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na lumabas ng bansa ang isang police general na isinasangkot sa P6.7 billion drug operation sa Manila noong 2022.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang press conference, lumabas noong January 8 ang nasabing heneral bago pa man ang paglabas ng warrant of arrest.
Nakasentro ang kaso kay dismissed Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. na nahuli matapos na makumpiska ng mga awtoridad ang nasa 990 kilograms ng pinaghihinalaang shabu na may tinatayang halaga na mahigit P6.7 billion sa drug operation sa Manila noong 2022.
Naghain ang panel of prosecutors ng kaso laban sa 30 active at dating mga pulis, kabilang ang dalawang police generals dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa 30 na kinasuhan, 29 na ang nailabas ang kanilang warrant of arrest.
Ayon kay Fajardo, 20 ang nasa kustodiya na ng PNP.
Ang nalalabing siyam, kabilang ang police general, ay nananatiling at large; apat na active cops, tatlong retired personnel, isa ang nag-resign, at isa ang natanggal sa serbisyo.
Ayon kay Fajardo, hanggang ngayon ay wala silang natatanggap na pahiwatig na sila ay susuko.
Kasabay nito, sinabi ni Fajardo na nasa desisyon na ng prosecutors kung maglalabas sila ng hold departure order sa walong at large.
Sinabi pa ni Fajardo na binibigyan ng pagkakataon ang mga ito na boluntaryong sumuko, at sagutin ang mga reklamo laban sa kanila.