Sumuko kaninang madaling araw sa mga awtoridad ang isang police general sa gitna ng arrest warrant laban sa mga sangkot sa umano’y drug operation sa Manila noong 2022, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Batay sa release order ng Regional Trial Court Manila Branch 44, boluntaryong sumuko si Police Lieutenant General Benjamin Santos Jr. sa mga awtoridad at naglagak ng piyansa na P200,000.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, sumuko kaninang 4:00 a.m. si Santos sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ayon kay Fajardo, pinalaya si Santos kaninang 9:00 a.m. matapos na makapagpiyansa.
Sinabi ni Fajardo na bago ang pagsuko ni Santos, nagbigay ng surrender feelers ang kanyang mga abogado sa CIDG, kung saan hinintay siya ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Ayon sa Manila court, nagpiyansa si Santos sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular ang pag-antala sa prosecution ng drug cases.
Si Santos ay dating PNP deputy chief for operations.
Noong feb 3, kabuuang 21 na active at dating police officers ang nasa kustodiya ng mga awtoridad may kaugnayan sa kontrobersiyal na anti-drug operation noong 2022.
Naghain ang panel of prosecutors ang inihain laban sa 30 pulis dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa nasabing bilang, naglabas ang korte ng 29 na arrest warrants.
Sumentro ang kaso kay dismissed Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. na nahuli ng mga awtoridad kasabay ng pagkakakumpiska ng nasa 990 kilograms ng pinaghihinalaang shabu na may tinatayang halaga na mahigit P6.7 billion sa drug operation sa Manila noong 2022.