Tuloy-tuloy ang hanay ng pulisya sa pagbibigay ng seguridad upang matiyak na magiging payapa ang pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong ng Bagong Taon sa Cagayan Valley.

Ayon kay PLTCol Efren Fernandez, tagapagsalita ng Police Regional Office No. 2 (PRO-02) na nakadeploy na ang mga PNP-personnel sa mga lugar na madalas dagsain ng publiko lalo at maraming tao na ang nakakalabas dahil sa pagluwag ng restrictions.

Aniya, nananatiling nakaalerto ang kanilang hanay kasabay ng pagtiyak na gagawin ng pulisya ang mandato nito na protektahan ang mamamayan at siguruhing ligtas ang lahat sa anumang karahasan.

Sa ngayon ay nagsimula na rin ang deployment ng mga pulis na nakatalaga sa ibang rehiyon at kasalukuyang nagbabakasyon matapos payagan ang work-near-home policy ngayong holiday season.

Samantala, bilang paghahanda na rin sa nalalapit na pagsalubong ng Bagong Taon ay pinaalalahanan ni Fernandez ang mga nagbebenta ng mga paputok at pyrotechnic dahil tuluy-tuloy ang kanilang pagkumpiska sa mga iligal na paputok.

-- ADVERTISEMENT --

Pinaalalahanan din niya ang mga pulis laban sa indiscriminate firing at huwag magpadala sa emosyon upang gamitin ang baril sa maling paraan.

Aniya, kailangang maging ehemplo ang mga pulis sa publiko kahit pa walang pagselyo sa kanilang mga baril.

Bukod sa holiday season ay nakahanda rin ang PNP sa anumang pag-atake ng New Peoples Army (NPA) kasabay ng anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) bukas, Disyembre 26.

Kasabay nito, inihayag ni Fernandez na halos dumoble ang ibinaba ng krimen sa rehiyon ngayong Oktubre hanggang Disyembre kumpara sa tinatayang 4,000 krimen na naitala sa mga nakalipas na buwan.