Inamin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala pang pinal na polisiya ang pamahalaan hinggil sa online gambling sa bansa.

Sa isang panayam, sinabi ng Pangulo na kasalukuyan na siyang nagsasagawa ng konsultasyon at pag-uusap sa mga apektadong sektor gaya ng mga magulang, mga pari, obispo, at iba pang kinauukulan.

Ayon kay Marcos, ang tunay na problema ay hindi ang online gambling mismo kundi ang negatibong epekto nito sa kabataan at mga nalululong sa sugal.

Dagdag pa ng Pangulo, kailangang pag-isipang mabuti kung paano ito ireregula upang hindi tuluyang mapunta sa underground market na walang kontrol at monitoring ng gobyerno.

Kasalukuyang pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga panukalang total ban, subalit iginiit ng ilang mambabatas na mas epektibo ang mahigpit na regulasyon kaysa sa tuluyang pagbabawal.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagpahayag naman ng pagtutol ang mga online gaming operators na lisensyado ng PAGCOR, at iginiit nilang posibleng maglipat ang mga manlalaro sa mga ilegal na site kapag tuluyang ipinagbawal ang online gambling.