Inamin ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi sapat ang pondong inilaan para sa edukasyon, kalusugan, at social protection sa panukalang ₱6.793 trilyong badyet para sa 2026.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, bagamat alam ng pamahalaan ang internasyonal na pamantayan sa paggasta, kulang ang pondo upang tugunan ang lahat ng kinakailangang programa.

Tinukoy ni House Deputy Minority Leader Chel Diokno na ang pondo para sa edukasyon ay 3.5% lamang ng GDP, mas mababa sa 4% hanggang 6% na inirerekomenda ng UNESCO, habang 1% lamang para sa kalusugan, malayo sa 5% na mungkahi ng WHO.

Dagdag ni Pangandaman, mahigit ₱10.1 trilyon ang kabuuang halaga ng mga kahilingan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, ngunit limitado ang pondo, kaya’t kailangang bigyang prayoridad ang ilang sektor.

Inilahad din niya na sinikap ng DBM na maabot ang 4% GDP allocation para sa basic at tertiary education.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunpaman, iginiit niya na tumaas pa rin ang alokasyon para sa kalusugan, agrikultura, at social protection kumpara sa 2025.

Samantala, kinuwestyon ni Diokno ang ₱274 bilyong nakalaan para sa mga flood control project sa kabila ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang mga proyektong ito ay ginagawang “pork barrel” ng ilang tiwaling opisyal.

Tugon ni Pangandaman, ang halagang ito ay batay sa panukala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ayon sa kanilang sariling batayan ng prayoridad.

Nakasaad ding dadalo si DPWH Secretary Manuel Bonoan sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa flood control projects.