Iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umabot sa P980.25 bilyon ang inilaan na pondo para sa mga proyektong flood control mula 2023 hanggang 2025.
Katumbas ito ng humigit-kumulang P326.75 bilyon bawat taon.
Ayon sa ulat, ipapasa ng DPWH sa susunod na linggo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang listahan ng mga natapos na proyekto at mga pinaghihinalaang “ghost projects.”
Gayunpaman, ayon sa ulat ng Commission on Audit noong 2023, may ilang foreign-assisted na proyekto ang naantala, kabilang na ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project, Metro Manila Flood Management Project, at mga proyekto sa Cavite at Cagayan de Oro.
Ipinaliwanag ng DPWH na nagkulang sa pondo ang ilan sa mga proyekto, at naapektuhan din ito ng mga programang hindi dumaan sa wastong pagsusuri ng National Expenditure Program.
Binanggit din ni Secretary Manuel Bonoan na pinuna na sila ng mga lending institutions dahil sa hindi sapat na pondo para ipagpatuloy ang mga proyekto.
Nitong 2025, vineto ni Pangulong Marcos ang P16.72 bilyon na pondo para sa flood control, kasunod ng babala niyang tututulan ang mga alokasyong hindi bahagi ng opisyal na NEP.