TUGUEGARAO CITY-Umaabot sa P50M ang ibinibang pondo ng National Government sa pagsasaayos ng Itbayat District Ospital na unang nasira sa magkasunod na lindol na tumama sa lugar nitong buwan ng Hulyo.
Ayon kay Batanes Governor Marilou Cayco, ginagawa na umano ang plano ng naturang ospital at inaasahang bago matapos ang taon ay masisimulan na ang naturang pagamutan.
Aniya, mabilis ang magiging rehabilitation ng kanilang lugar dahil sa tulong na kanilang natatanggap mula sa national government.
Bukod sa pondo ng naturang naturang ospital, sinabi ni Cayco na nagdadala na rin ang kanilang hanay ng mga yero, lumber, tubo at maraming pang iba para sa construction ng temporary shelter ng mga labis na naapektuhan sa lindol.
Ngunit hanggang sa ngayon ay hindi magawang ibyahe ang lahat ng mga construction materials sa Itbayat dahil sa nararanasang sama ng panahon.
Sakatunayan aniya, nasa sampung yero ang nahulog sa dagat nitong huling byahe nila dahil sa lakas ng mga hampas ng mga alon.
Samantala, mula sa 269 pamilyang totally damaged ang kabahayan, sinabi ni Cayco na 25 pa lamang ang kanilang nabibigyan ng tulong o nagagawan ng pansamantalang tirahan.
Kaugnay nito, umaasa si Cayco na gaganda na ang panahon para agad na mibyahe ang mga construction materials para mabigyan na ng pansamantalang tirahan ang mga pamilyang apektado ng lindol.