Muling pinayuhan ni Pope Francis ang mga pari na huwag paabutin ng mahigit 10 minuto ang kanilang sermon upang hindi nawalan ng gana ang mga dumadalo sa misa.

Ayon sa Santo Papa, pagkatapos ng walong minuto na sermon, wala na umanong nakakaintindi sa sinasabi ng pari.

Binigyang-diin niya na napakahalaga na panatilihin lamang na maiksi ang mga sermon.

Sinabi niya na dapat na ituro ng mga pari ay ang tungkol sa gospel at hindi tungkol sa kanilang mga sarili.

Ayon sa Santo Papa, may ilang sermon na inaabot ng 20 hanggang 30 minuto.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, para maging epektibo ang sermon, kailangan na mayroon lamang itong “one idea, one sentiment, at one invitation to action,” at lahat ng ito ay sa loob lamang ng 10 minuto.

Matatandaan na noong buwan ng Hunyo ay sinabi ni Pope Francis na ang walong minuto na homily ay sapat na, na una na rin niyang sinabi noong February 2018.

Noong 2018, hiniling din niya sa mga nagsisimba na pahabain ang pasensiya sa mga limitasyon ng kanilang mga pari at makinig pa rin sa homily.