Nabuhay si Pope Francis bilang isang mabuting lider ng Simbahang Katolika na palaging bitbit ang kaniyang paniniwalang “ang simbahan ay tahanan para sa lahat,” ayon sa homiliya ng dean ng College of Cardinals na si Cardinal Giovanni Battista Re sa libing ng Santo Papa nitong Sabado, Abril 26.

Sinabi ni Re sa kaniyang homiliya na madalas ginagamit ni Pope Francis ang imahen ng simbahan bilang isang “field hospital” na bukas para sa bawat indibidwal, anuman ang kanilang pagkakakilanlan.

Binanggit din ng cardinal kung paanong gumawa ng mga hakbang si Pope Francis na inordinahan bilang Santo Papa noong Marso 13, 2013 para paburan ang mga refugee at mga nawalan ng tahanan, at higit sa lahat para sa mga kapus-palad at mga nasa laylayan.

Sa huling bahagi ng kaniyang homiliya, binanggit ni Cardinal Re ang palaging sinasabi ni Pope Francis sa pagtatapos ng kaniyang mga talumpati at pagpupulong na huwag kalimutang ipanalangin siya.

Noong Lunes, Abril 21, nang mamayapa si Pope Francis sa kaniyang apartment sa Domus Sanctae Marthae, Vatican City.

-- ADVERTISEMENT --

Nagkaroon daw ng stroke ang Santo Papa na sinundan ng coma at irreversible cardiocirculatory collapse na naging sanhi ng kaniyang pagpanaw.