Ipinahayag ni Pope Francis noong Linggo na siya ay mahina at “dumaraan sa isang pagsubok,” habang nagpapasalamat sa mga taong nagdasal para sa kanya mula sa ospital, kung saan siya tumatanggap ng paggamot para sa pulmonya.

Ang 88-taong gulang na Santo Papa, na naka-confine mula pa noong Pebrero 14, ay nagpadala ng isang personal na mensahe sa mga mananampalataya na inilathala ng Vatican.

Muli niyang ipinagpaliban ang tradisyonal na Angelus prayer na karaniwang isinasagawa niya sa harap ng mga tao sa St. Peter’s Square pagkatapos ng misa.

Ito na ang ikalimang pagkakataon na hindi personal na nagbigay ng Angelus prayer si Pope Francis dahil sa kanyang kalagayan. Karaniwan, ito ay isinasagawa niya sa harap ng mga tao sa St. Peter’s Square pagkatapos ng misa.

Noong nakaraang linggo, nagbigay ng pahayag ang Vatican na nagsasabing ligtas na si Pope Francis matapos ang ilang serye ng mga krisis sa paghinga na nagdulot ng takot sa buhay ng Santo Papa.

-- ADVERTISEMENT --

Noong Sabado, sinabi ng Vatican na patuloy na matatag ang kalagayan ni Francis at nagpapakita ng progreso, gaya ng mga nakaraang linggo. Gayunpaman, pinaalalahanan nilang patuloy pa ring kinakailangan ang mga therapies sa loob ng ospital.

Ang mensaheng ito ay tila nagpawi ng mga spekulasyon na maaaring malapit na itong palabasin mula sa ospital.

Sa kanyang mensahe noong Linggo, na naglalaman din ng panawagan para sa kapayapaan sa mga bansang apektado ng digmaan, muling nagpasalamat si Pope Francis sa kanyang mga tagapag-alaga at sa lahat ng nagdasal para sa kanya.

Si Pope Francis ay tinatanggap ang pangangalaga sa ika-10 palapag ng ospital, kung saan matatagpuan ang isang espesyal na papal suite, kasama ang isang kapilya.

Sa harap ng ospital noong Linggo ng umaga, mga bata mula sa isang Catholic scout group ang nagsisigaw ng “Pope Francis, Pope Francis,” habang hawak ang mga dilaw at puting lobo.