
Nagbabala si Pope Leo sa lumalawak na epekto ng digmaan sa Middle East, na aniya’y patuloy na nagdudulot ng matinding pagdurusa sa mga sibilyan at banta sa pandaigdigang kapayapaan.
Sa kanyang lingguhang panalangin sa Vatican, inilahad ng Santo Papa ang kanyang pagkabahala sa nagpapatuloy na labanan sa rehiyon, kabilang ang hidwaan na kinasasangkutan ng Estados Unidos, Israel, at Iran na tumatagal na ng ilang linggo.
Binigyang-diin niya na ang epekto ng karahasan ay hindi lamang nararamdaman sa mga bansang direktang apektado kundi umaabot sa mas malawak na komunidad ng mundo.
Dahil dito, iginiit niya ang pangangailangan ng agarang hakbang upang mapahinto ang labanan at mabawasan ang pinsala sa buhay at kabuhayan ng mga tao.
Hinimok din ni Pope Leo ang pandaigdigang komunidad na palakasin ang panawagan para sa kapayapaan at suportahan ang mga hakbang na maglalayong wakasan ang mga armadong tunggalian.
Patuloy namang sinusubaybayan ng Vatican ang sitwasyon sa Middle East at iba pang lugar na apektado ng karahasan.










