Muling hinatulang makulong ng Sandiganbayan si Janet Lim-Napoles, ang tinaguriang utak sa likod ng pork barrel scam na nagbunsod ng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa ilang mambabatas at mga opisyal ng pamahalaan mahigit isang dekada na ang nakalipas.

Ang kanyang hatol sa pagkakataong ito ay may kaugnayan sa kaso na sangkot ang diversion ng P7.55 million na Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni dating Davao del Sur Rep. Marc Douglas Cagas IV.

Hinatulan din ng Special Third Division ng Sandiganbayan sina Dennis Cunanan, ang dating deputy director general ng binuwag na Technology Resource Center (TRC); Maria Rosalinda Lacsamana, dating TRC group manager; at Rhodora Mendoza ng dating National Agribusiness Corp.

Natukoy ang TRC na isa sa ahensiya na nagpatupad ng mga proyekto sa ilalim ng PDAF noong 2007 at 2008.

Sa 149 na pahinang desisyon, napatunayan ng Sandiganbayan si Napoles na guilty sa two counts of graft at isa pang two counts ng malversation.

-- ADVERTISEMENT --

Hinatulan si Napoles na makulong ng 12 hanggang 20 years para sa graft conviction at 20 hanggang 34 years para sa malversation.

Siya ay nakakulong ngayon sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City para sa mga naunang hatol sa kanya na may kaugnayan pa rin sa hindi tamang paggamit sa PDAF.

Nag-ugat ang kaso sa endorsement at pagpili ni Cagas sa People’s Organization for Progress and Development Foundation Inc. (POPDFI) at Social Development Program for Farmers Foundation Inc. (SDPFFI), mga nongovernmental organizations (NGOs) na kontrolado ni Napoles, bilang “project partners” para sa “agricultural production packages” ng mambabatas sa kanyang distrito noong 2007 at 2008.

Tumanggap ang POPDFI ng P2.7 million mula sa PDAF ni Cagas, habang P4.85 million ang napunta sa SDPFFI, batay sa case records.