TUGUEGARAO CITY- Inihayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 2 na kulang na kulang ang rehion ng mga post harvest facilities para sa mga mangingisda.

Sinabi ni Venchito Villarao ng BFAR na ito ang dahilan kaya hindi lumalaki ang kita ng mga mangingisda na sinasabayan pa ng pagpasok ng mga dayuhang poachers.

Ayon kay Villarao na may mga mangingisda na gustong mamuhunan sa malalaking commercial fishing vessel subalit ang problema ay ang kawalan ng port facilities.

Dahil dito, sinabi ni Villarao na malaking tulong sa mga mangingisda sa Cagayan kung matutuloy ang plano na muling buksan ang Port Irene sa Aparri.

Sinabi naman ni Angel Encarnacion, executive assistant ng BFAR na malaki ang potential ng Cagayan at Isabela para sa commercial fishing.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit sa ngayon ay hanggang municipal level pa lamang ang bentahan ng mga isda dahil sa walang shelter port para sa mga malalaking commercial fishing vessel.

Gayonman, umaasa siya na sa pamamagitan ng “Build, build, build” program ng administrayong Duterte ay magagawa ang mga nasabing pasilidad upang matulungan na maiangat ang pamumuhay ng mga mangingisda sa rehion.

Idinagdag pa niya na kailangan na ring ma-improve ang pangingisda sa rehion upang makasabay ang mga fishermen sa mga poachers na malalaki at high-tech ang kanilang fishing vessel.

Tiniyak naman ni Mark Jerome Tuddao na mahigpit ang kanilang pagbabantay sa mga katubigan ng rehion katuwang ang Philippine Coast Guard at iba pang law enforcers upang makapasok na mga foreign poachers.

Subalit, aminado siya na nalulusutan pa rin sila ng mga dayuhang mangingisda dahil sa high- tech ang kanilang mga fishing vessel.

Isa rin sa dahilan kaya nakakapasok ang mga poachers ay dahil sa kawalan ng ligtas na docking area at iba pang kagamitan para sa mga law enforcers.

Samantala, magtatapos ngayong araw (sept 20) ang Fish Conservation Week na nagsimula noong September 16 na may temang “Itaguyod ang malinis at masaganang karagatan tungo sa masaganang ani at mataas na kita sa industriya ng pangisdaan”.