
Nangangamba si House Committee on Public Accounts Chairman Terry Ridon sa posibleng conflict of interest matapos ipakilala ang mga miyembro ng legal team ni Vice President Sara Duterte sa impeachment proceedings.
Dalawa kasi sa mga abogado ni VP Sara ay mga posible umanong testigo sa usapin ng confidential funds, partikular sina Atty. Michael Poa at Reynold Munsayac na kapwa may direktang partisipasyon sa Office of the Vice President at Department of Education.
Ayon kay Ridon, ang presensya ng dalawang potential witnesses sa legal team ni Duterte ay maaaring may seryosong ethical at procedural questions.
Kung may nalalaman aniya sila sa mga transaksyon o desisyon na binubusisi, posible silang paharapin sa pagdinig at panunumpain.
Binanggit nito na si Poa ay nagsilbing tagapagsalita ng DepEd noong kalihim pa ang pangalawang pangulo kung saan daan-daang milyong pisong confidential funds ang ibinigay at kasama sa iniimbestigahan ng Kongreso kung paano ginastos at na-liquidate.
Kaya naman naniniwala si Ridon na maaaring may nalalaman siya sa policy decisions at internal processes hinggil sa paggamit ng naturang pondo.
Samantala, sa kabilang banda ay tagapagsalita naman ng bise-presidente si Munsayac at naging Assistant Secretary for Procurement ng DepEd kaya hindi malabong tanungin ito tungkol sa paghahanda ng dokumento, compliance sa auditing rules o legal justification sa ilang transaksyon.
Paliwanag pa ng kongresista, sa legal proceedings ay kadalasang inoobliga ang mga abogado na mag-withdraw bilang kinatawan ng kliyente kung gagawing material witnesses upang maiwasan ang conflict.
Mababatid na kasama sina Poa at Munsayac sa “entry of appearance” ng kampo ni VP Sara na ibinahagi ni Ridon kung saan makikita ang pangalan ng mga kakatawan sa bise-presidente sa impeachment proceedings.









