Posibleng umusad sa Senado ang impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte matapos lumabas sa paunang tala ng Kamara de Representantes na sapat na ang bilang ng mga mambabatas na sumusuporta rito.

Ayon kay Party-list Coalition Foundation, Inc. Secretary General at Tingog Party-list Representative Jude Acidre, may humigit-kumulang 47 miyembro ng Party-list Coalition Foundation Inc. na pabor sa impeachment. Nadagdagan pa ito ng suporta mula sa National Unity Party at Lakas-CMD kaya’t umabot na sa hindi bababa sa 137 ang bilang ng mga mambabatas na sumusuporta sa pag-angat ng kaso sa Senado.

Kinakailangan lamang ng 106 boto upang maipasa ang articles of impeachment patungo sa Senado na magsisilbing impeachment court.

Sinabi naman ni member of the house of representatives Terry Ridon na maaari pang umabot sa halos 200 mambabatas ang susuporta sa impeachment. Ayon din kina Deputy Speaker Ronnie Puno at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong, posibleng nasa 180 mambabatas ang boboto pabor sa reklamo.

Ayon kay Puno, inaasahang hindi bababa sa 30 miyembro ng National Unity Party ang susuporta sa impeachment, habang mahigit 60 naman mula sa Lakas-CMD ang pabor sa hakbang laban sa Bise Presidente.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng pampublikong pondo, pag-iipon ng ill-gotten wealth, at pagbabanta umano laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

Noong nakaraang taon, nakalikom ng 215 lagda mula sa mga mambabatas para sa impeachment articles laban kay Duterte, ngunit kalaunan itong ibinasura ng Korte Suprema dahil sa procedural issues at paglabag sa patakarang nagbabawal sa higit sa isang impeachment proceeding laban sa parehong opisyal sa loob ng isang taon.