
Posibleng sa Hunyo pa talaga magsisimula ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Ping Lacson, kahit pa agad na mag-convene ang Senado bilang impeachment court kapag natanggap na ang Articles of Impeachment mula sa Kamara.
Sinabi ni Senate Presidewnt pro tempore ping Lacson, kailangan pa ng humigit-kumulang tatlong linggo na preparasyon bago tuluyang magsimula ang paglilitis. Kasama rito ang pagpapadala ng summons, paghihintay ng sagot ng depensa, at pagsasagawa ng preliminary conference o pre-trial para malinaw kung ano ang mga isyung tatalakayin at anong ebidensya ang ihaharap.
Binanggit din niya na mahalaga ang maagang pre-trial para maiwasan ang kalituhan, tulad ng nangyari sa impeachment trial noon ni dating Chief Justice Renato Corona.
Samantala, handa rin daw ang impeachment court kung sakaling maglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) at pag-uusapan nila kung ano ang magiging hakbang dito.
Giit pa ni Lacson, ang impeachment court ay constitutional body kaya ang mga desisyon nito ay pinal at hindi na maaaring iapela.
Sa ngayon, naghahanda na rin ang Senado para sa posibleng paglilitis, at pinaalalahanan ang mga senador na gagampanan nila ang tungkulin bilang mga hukom.
Ayon sa ulat, inaasahang aakyat sa plenaryo ng Kamara sa Mayo 4 ang reklamo laban sa Bise Presidente matapos makitaan ng probable cause. Pagdedesisyunan naman ito sa Mayo 11 kung ibabasura o ipapasa sa Senado para sa trial.








