Umaasa ang Task Force Disiplina na aaprubahan ng konseho ng Tuguegarao City ang mga plano para sa muling pagbabalik ng operasyon ng night market sa lungsod.
Ayon kay Pedro Cuntapay, head ng Task Force Disiplina, may mga nabuo na silang plano sa pagpapatupad ng minimum health protocols sa posibleng pagbubukas ng night market nayong nasa ilalim na ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang lungsod.
Aniya, 40 street food vendor lamang ang papayagan na magtinda sa palibot ng Tuguegarao City Commercial Center ngunit ayos lang kung sa private property sila pupwesto habang papayagan ang mga ambulant vendor sa Macapagal Avenue.
Kabilang din sa plano ang oras ng pagtitinda at pagkontrol sa mga tao na papasok at lalabas sa night market upang masiguro ang kalusugan ng publiko.
Layunin nito na matulungan lalo na ang mga maliliit na negosyante upang manumbalik ang kabuhayan na nasadlak sa kahirapan dulot ng lockdown dahil sa pandemya.
Gayunman, nakadepende pa rin ito sa magiging pagpapasya ng konseho kung papayagan ang mga ito na muling buksan ang night market.
Matatandan na taong 2019 nang unang buksan ang night market sa lungsod subalit sinuspinde ito noong March 2020 dahil sa lockdown.