Isasailalim pa sa laboratory test ang mga nakuhang blood samples at cloacal swab mula sa poultry at livestock para matiyak ang free Bird Flu at Foot and Mouth Disease (FMD) sa Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Arnulfo Perez, provincial veterinarian na nasa 185 mga pato at itik ang nakuhanan na ng dugo at cloacal swab para sa bird flu samantalang 90 na mga kambing, baka, kalabaw at baboy ang nakuhanan rin ng dugo para sa FMD.
Ang aktibidad ay taunang isinasagawa sa piling mga bayan sa Norte partikular sa mga barangay na malapit sa lawa na dinarayo ng mga migratory birds mula sa kalapit na bansa na posibleng magdala ng sakit sa ibang mga hayop.
Sa susunod na Linggo malalaman ang resulta ng pagsusuri habang isusunod na kukuhanan ng samples ang anim pang mga bayan sa lalawigan.
Bukod dito, sinabi ni Perez na patuloy ang paghihigpit ng Department of Agriculture sa chekpoint sa entry at exit point sa rehiyon upang matiyak na hindi makakapasok ang anumang uri ng sakit ng hayop.