Inihayag ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na nakatanggap sila ng mga ulat ng insidenteng may hindi pagtutugma sa aktwal na ibinoto ng mga botante at sa resulta ng resibo mula sa automated counting machines (ACM) ngayong Eleksyon 2025.
Ayon sa tagapagsalita ng PPCRV na si Ana Singson, natanggap nila ang mga tawag mula sa iba’t ibang lugar, kaya wala pang nakikitang partikular na pattern.
May ilan ding balota ang na-invalid dahil sa overvoting.
Sa isang kaso, apat lang ang piniling senador ng isang botante pero lumabas sa resibo na walo ang nabasa ng makina.
Nilinaw ng PPCRV na hindi pa tiyak kung problema ito ng ACM, at ang mga isyung ganito ay makikita sa isasagawang random manual audit upang matukoy kung tumpak ang pagbibilang ng makina.