Hinihikayat ng Philippine Red Cross- Cagayan Chapter ang mga nagnanais na magdonate ng dugo na makiisa sa kanilang blood donation activity kasabay ng World Blood Donor Day sa June 14 at 15.
Sinabi ni Gerwin Espejo ng PRC-Cagayan Chapter, magkakaroon ng inhouse blood donation activity sa kanilang tanggapan dito sa lungsod ng Tuguegarao sa June 14 at sa June 15 naman sa kanilang opisina sa Barangay Pattao, Buguey, Cagayan.
Ayon kay Espejo, sinulatan na nila ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at maging ang kanilang regular donors na makiisa sa nasabing aktibidad.
Kaugnay nito, sinabi ni Espejo na maaari nang magdonate ng dugo ang nagpatattoo sa loob ng tatlong buwan mula sa dati hindi puwedeng magbigay ng dugo kung wala pang isang taon ang tattoo.
Sinabi ni Espejo na bukod sa makakatulong ang mga donors sa mga nangangailangan ng dugo, nakakatulong din ito sa pagpapabuti sa ating kalusugan dahil nakakabawas ito sa banta ng atake sa puso, nakakabawas ng calories at marami pang iba.