TUGUEGARAO CITY-Nanawagan ang Philippine Red cross (PRC)-Cagayan chapter sa publiko na mag-donate ng dugo dahil nangangambang maubos ang nasa kanilang blood bank.
Ayon kay Aileen Torres ng PRC-Cagayan, aabot na lamang hanggang sa susunod na linggo dugo ang nasa kanilang blood bank.
Aniya, bagamat may stock pa sila ng dugo sa type A at B ngunit ang type O ang kanilang pino-problema dahil ito’y paubos na at hindi rin makapagsawa ng blood letting activity ang kanilang pamunuan dahil sa umiiral na enhanced community quarantine.
Bilang tugon dito, habang umiiral ang Luzon quarantine, sinabi ni Torres na kanilang sinusundo at inihahatid pabalik sa tahanan ng isang indibiduwal na nagnanais magdonate ng dugo.
Una rito, nagpost ang pamunuan ng PRC partikular sa kanilang web page na sila’y naghahanap ng mga nais magdonate ng dugo.
Bagamat madami ang may gustong magbigay, limitado naman ang kanilang galaw dahil tanging ang mga nasa loob lamang ng Tuguegarao City ang kanilang kayang sunduin at dalawa lamang ang maaari nilang isakay sa kanilang sasakyan.
Tuloy-tuloy ang paglikom ng PRC ng dugo para mayroong maibagi sa mga patuloy na nangangailangan ng dugo tulad ng mga nagda-dialysis.
Nabatid na bago ang enhanced community quarantine sa Luzon, 100 bags na dugo lamang ang kanilang stocks kung saan kanya itong pinangangambahang maubos lalo na kung madami ang mangangailangan.