Tugeugarao City- Personal na pinangunahan ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman Senator Richard Gordon ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga lubosna naapektuhan ng malawakang pagbaha sa probinsiya ng Cagayan.

Ipinagkaloob ito sa sa 418 na benepisaryo kung saan 372 ang galing sa Brgy Centro 10, Tuguegarao City habang ang 46 ay mula sa bayan ng Alcala.

Ang mga ito ay nakatanggap ng cash assistance na nagkakahalaga ng tig P3, 500.

Ayon kay Sen. Gordon, ang pondo ay galing mismo sa PRC at sa pakikipag ugnayan iba’t-ibang international organizations.

Pinayuhan ni Gordon ang mga benepisyaryo na gamitin ang nasabing tulong para sa agarang pagbangon at wag maging tamad upang hindi laging umaasa sa mga tulong ng iba.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ng senador na responsibilidad ng lahat na pangalagaan ang kalikasan upang maiwasan ang paglala ng mga kalamidad na nangyayari at nararanasan sa ating bansa.

Sang-ayon din siya sa isinusulong na imbestigasyon kaugnay sa dahilan ng malawakang pagbaha na nagdulot ng malaking pinsala sa lalawigan ng Cagayan.

Sa naging pahayag naman ni Robert Kaufman, Head ng Country Office ng International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies, saludo siya sa kakahayan ng mga Cagayano na makabangon muli sa gitna ng banta ng kalamidad at pandemya.

Pinasalamatan din niya ang mga walang sawang pagtulong ng mga rescuers at volunteers lalo na sa panahon ng kalamidad.

Labis naman ang pasasalamat ng mga benepisyaryong nakatanggap ng tulong kasama na ang mga municipal at provincial officials sa suportang ibinibigay ng mga opisyal ng bansa upang makabangong muli.