Umaabot sa mahigit 5,000 examinees mula sa Region II ang apektado sa pagreschedule ng Licensure Examination for Teachers (LEPT) na nakatakda sana ngayong araw ng Linggo, Setyembre 21, 2025.

Ayon kay Professional Regulation Commission (PRC) Regional Director Juan Alilam, ipinagpaliban ang pagsusulit sa region I, II, at Cordillera Administrative Region (CAR) bunsod ng masamang panahon na dulot ng Super Typhoon Nando na nagbabadya sa hilagang bahagi ng Luzon.

Matapos ang pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Office of Civil Defense (OCD), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), napagdesisyunan ng PRC na isantabi muna ang pagsusulit upang matiyak ang kaligtasan ng mga kukuha ng exam at ng mga personnel na nakatalaga rito.

Bagamat karamihan sa mga examinees mula sa malalayong lugar ay nakarating na at nanunuluyan malapit sa kanilang mga testing centers, mariing pinapaalala ng ahensya na sundin ang mga ipinapalabas na abiso ng mga kinauukulan.

Kaugnay nito pinayuhan ni Alilam ang mga examinees na antayin ang abiso ng PRC sa panibagong petsa kung kailan itutuloy ang LEPT sa mga nabanggit na rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --