Sinimulan na ng Philippine National Police – Internal Affairs Service ang pre-charge investigation laban sa anim na pulis ng Manila na sangkot umano sa robbery extortion sa Makati City.

Ayon kay IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, inihahanda na ang pagsasampa ng administratibong kaso sa mga mapapatunayang sangkot sa nasabing insidente.

Aniya, hindi nila kukunsitihin ang anumang kriminal na gawain ng sinumang pulis na nasa serbisyo at sa mga mapapatunayang responsable sa nangyaring krimen.

Saklaw ng imbestigasyon ng IAS ang usapin ng command responsibility, lalo na kung mapapatunayang may pagkukulang sa pangangasiwa ang mga opisyal na may kapangyarihang mamuno.

Matatandaan na ang lahat ng mga miyembro ng Drug Enforcement Unit ng Malate Police Station ay ni-relieve na sa pwesto habang patuloy na gumugulong ang imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Nadawit ang mga nasabing pulis sa sunod-sunod na insidente ng holdup at pagnanakaw sa Arsonvel Stree sa Brgy. San Isidro, Makati noong Miyerkules, Jan. 28 ng gabi at hiwalay na insidente noong Enero 24.

Natunton ng Makati PNP ang mga suspek matapos may magsumbong na residente ng lugar sa kanilang sub-station kaugnay ng panghoholdap sa biktima noong Miyerkules.

Nahagip sa CCTV ng barangay ang pagdating ng mga suspek sakay ng limang motorsiklo papasok ng eskinita noong Miyerkules.

Ilang minuto dumating na rin ang personnel at SWAT team ng Makati PNP.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang anim na suspek na kinabibilangan ng isang police sergeant. Narekober ang limang motor na ginamit ng mga suspek at mga ninakaw na cellphone, at natirang cash mula sa mga biktima.