TUGUEGARAO CITY – Sinimulan na ng Police Regional Office 2 ang pre-registration para sa mga pulis sa rehiyon na nais magpabakuna laban sa COVID-19 virus.
Bagamat uunahin na maturukan ng bakuna ang mga medical frontliner ngayong Pebrero ng kasalukuyang taon, sinabi ni PMAJ Ragedy Hope Pulan, medical chief ng Regional Health Unit ng PRO-02 na mayroon na silang vaccination plan para sa kanilang hanay.
Sa oras na dumating na ang mga bakuna, isasagawa ang vaccination sa PRO-2 kung saan target na mabakunahan ang mahigit 10,000 na kawani ng pulisya sa rehiyon sa loob ng isang Linggo.
Habang sa mga island provinces at municipalities sa rehiyon ay dadalhin o ibibiyahe ang vaccine upang doon isagawa ang pagbabakuna.
Bukod sa pre-registration, nagsasagawa na rin ng dry run ang PRO-2 upang maging pulido ang pagsasagawa ng pagbabakuna
Dagdag pa ni Pulan, nagpapatuloy sa ngayon ang isinasagawang risk-based testing sa kanilang miyembro kung saan halos 30% na ang natatapos.
Sa ngayon ay may 27 active cases ng COVID-19 ang PRO-2 at marami na rin ang recoveries habang nanatili sa isa ang COVID-19 related deaths sa hanay ng pulisya sa rehiyon.