Magpapatuloy ngayong araw, Hunyo 22, ang pre-trial conference para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kung saan tinatapos ng magkabilang panig ang pagmamarka ng mga ebidensya bago ang pormal na paglilitis sa Senado.

Ang pre-trial ay nagsisilbing initial meeting ng defense at prosecution panel bago umupo ang mga senador bilang impeachment court. Nakatakdang magsimula ang aktuwal na impeachment trial sa Hulyo 6.

Sa kasalukuyan, pinag-aaralan at inaayos pa ng dalawang kampo ang mga dokumentong may kaugnayan sa apat na articles of impeachment laban sa Bise Presidente, kabilang ang umano’y misuse of funds, unexplained wealth, bribery, at iba pang alegasyon.

Ayon kay Atty. Michael Poa, defense team ni VP Sara tapos na nila ang pagmamarka ng ebidensya para sa ilang bahagi ng kaso, ngunit kailangan pa ng karagdagang panahon para sa mas maraming dokumento na may kaugnayan sa ilang isyu na umano’y mas malawak at mas komplikado.

Samantala, pinamunuan ng Senate Secretariat ang proseso bilang impeachment court, habang aktibong nakikilahok ang prosecution panel mula sa House of Representatives.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa House prosecution team, naihain na nila ang kanilang pre-trial brief at mga kaugnay na dokumento para sa mga senator-judges.

Nakatuon din aniya sila sa paghahanda ng ebidensya at hindi sa bilang ng boto na kinakailangan para sa hatol ng Bise, kundi sa paano nila maipapaliwanag ng maaayos ang kanilang presentation of evidence.

Matatandaang si Sara Duterte ay na-impeach noong Mayo 11 matapos ang makakuha ng botong 257 sa Mababang Kapulungan ng Kongresos, kaugnay ng mga alegasyon ng maling paggamit ng pondo at iba pang isyu.