pct: PSA

Tuguegarao City- Inumpisahan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) Region 2 ang pre-registration ng Philippine ID System kahapon Oktubre 12 na magtatapos sa ika-30 ng Disyembre ngayong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Marilyn Estrada, Director ng PSA Region 2, mula sa 32 probinsyang pagdarausan ng preregistration ay kabilang dito ang Cagayan at Isabela.

Ayon sa kanya na sa 5 million na target ng ahensya ay 500K ang dapat ma-rehistro ng PSA Region 2.

Aniya, una ng nagdeploy ang ahensya ng mga registration officer sa Cagayan kahapon ngunit sa Isabela ay ngayong araw palang magsisimula dahil sa kinailangan pang magsagawa ng briefing at nagpadala ng mga kagamitan.

Paliwanag ni Estrada, ilan sa mga prosesong dapat gawin ng ahensya ay ang preregistration mula Oktubre 12 hanggang Disyembre 30, biometric registration at facial photograph mula Nobyembre 25- Disyembre 30 at ang pagrereproduce ng cards na mag-uumpisa na sa susunod na taon.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito ay sinabi pa ni Estrada na sumasailalim din sa rapid at swab testing ang mga registration officer na idinedeploy bilang pag-iingat sa virus.

Nakikipag-ugnayan din aniya sila sa mga barangay officials at nagsasagawa ng mga briefing bago isagawa ang preregistration.

Mababatid na patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang national ID system bilang hakbang upang mapabilis ang pagproceso ng mahahalagang dokumento at transaction sa pampubliko at pribadong tanggapan.