Naghain si Senador Imee Marcos ng panukala na layong ipagbawal ang pag-aresto at pag-detain sa sinumang indibidwal sa teritoryo ng Pilipinas at ilipat ang mga ito sa isang international court nang walang warrant of arrest na inisyu ng lokal na korte.
Sa explanatory note ng Senate Bill No. 557, o kilala bilang President Rodrigo R. Duterte Act, tinawag ni Marcos ang pag-aresto at pagturn-over sa dating Presidente sa International Criminal Court bilang pang-aabuso na maaaring mangyari kahit kanino.
Ang mga ipinagbabawal sa ilalim ng panukalang batas ay ang paglilipat sa isang tao o Filipino sa teritoryo ng Pilipinas patungo sa isang international court, tribunal, organization, o State kung saan ang hurisdiksyon o authority na mag-imbestiga, magparusa, mag-detain mag-bilanggo o mag-execute ng isang tao ay hindi kinikilala ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang treaty o international agreement; o walang kaukulang written at voluntary consent ng isang tao sa paglilipat o kautusan na inisyu ng isang korte sa bansa na magpapayag ng paglilipat.
Layon din ng panukala na ipagbawal ang pag-aresto o pag-detain, o pag-aresto at detention ng sinuman sa Pilipinas para ilipat ang mga ito sa international court, tribunal, organization, o State nang walang arrest warrant na inisyu ng korte sa Pilipinas.
Ipagbabawal din ang pag-imbestiga, pag-aresto, pag-detain o pagparusa nang walang kaukulang permit na inisyu ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Si Duterte ay inaresto sa Pilipinas ng mga awtoridad noong Marso 11, batay sa warrant of arrest na inisyu ng ICC.
Siya ay kasalukuyang naka-detain sa Scheveningen Prison sa The Hague sa reklamong crimes against humanity para sa extrajudicial killings sa panahon ng war on drugs.