Nanawagan ang mga kasalukuyan at dating matataas na opisyal ng Government Service Insurance System (GSIS) para sa agad at irrevocable resignation ni Jose Arnulfo “Wick” Veloso, ang presidente at general manager ng pension fund, kung saan inaakusahan siya ng “poor investment decisions” na nagresulta ng P8.8 billion na pagkalugi.
Sa liham kay Veloso na may petsang Oct. 14, inakusahan ng mga dati at kasalukuyang mga miyembro ng board of trustees ng GSIS ang top executive na may ginawang mapanganib na investments na wala umanong transparency.
Nakasaad sa sulat na ang pananatili ni Veloso sa GSIS ay panganib sa kapakanan ng 2.6 million members na ipinagkatiwala ang kanilang savings at kinabukasan sa nasabing institusyon.
Binigyan diin pa ng mga ito na ang pangunahing mandato ng GSIS ay maayos at buong katapatan na pamahalaan ang kanilang pondo.
Sinabi ng mga ito na tumataliwas na si Veloso sa nasabing mandato, dahil sa inuuna umano niya na pagsilbihan ang interes ng iba kaysa sa mga miyembro ng GSIS.
Nilagdaan ni Ma. Merciditas Guttierez, chair ng legal oversight committee ang sulat, at iba pang dati at kasalukuyang opisyal ng GSIS.
Tinukoy din ng signatories ang inilarawan nilang “a pattern of actions seemingly designed to bypass proper governance,” kabilang ang umano’y practice na hinahati ang investment transactions, na isa umanong malinaw na taktika para maiwasan ang mandatory board review para sa investments na lampas sa P1.5 billion.
Samantala, nanindigan naman si Veloso na mananatili siya sa puwesto habang may tiwala pa sa kanya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at inasahan na niya ang panawagan para sa kanyang pagbibitiw.
Binigyang-diin pa ni Veloso na walang basehan ang mga alegasyon laban sa kanya.
Sinabi niya na haharapin niya sa tamang forum ang mga nag-aakusa sa kanya, at umapela na huwag idamay sa pulitika ang GSIS.
Ipinagmalaki din ni Veloso ang performance ng GSIS, kung saan tinukoy ang mga pigura hanggang nitong Agosto ngayong taon.
Ayon sa kanya, umakyat ang total assets ng GSIS sa P1.2 billion at kabuuang income na P231.06 billion, na may net income na umaabot sa P100.02 billion.
Matatandaan na noong Hulyo, si Veloso at marami pang opisyal ng GSIS ay sinuspindi ng Ombudsman matapos ang reklamo sa P1.45 billion investment sa Alternergy Holdings Corp.
Tinanggal ang kautusan ng Ombudman noong Setyembre matapos na sabihing walang sapat na basehan na makakaapekto sa imbestigasyon ang kanilang pananatili sa GSIS.