Patay ang isang preso na nakakulong sa provincial jail ng Bayombong, Nueva Vizcaya matapos saksakin ng kapwa inmate, kaninang umaga.
Kinilala ng Bayombong PNP ang nasawi na si Alvin Buscas, 21-anyos habang ang suspek ay si Esmereldo Olarte III na nakulong sa kasong frustrated murder.
Nabatid na ikinagalit ng suspek nang aksidenteng tamaan ng biktima ng bola ang kanyang damit.
Agad umanong binunot ng suspek ang patalim na gamit sa kanilang livelihood project at pinagsasaksak ang biktima na binawian ng buhay sa pagamutan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, may mga nauna umanong insidentena na nagkaroon din ng pagtatalo ang suspek at ang biktima.
Agad naman na ipinag-utos ni Jail Warden Carmelo Andrada ang pagkumpiska sa lahat ng mga kagamitan sa mga livelihood project at pagtanggal ng prebelehyo sa mga bilanggo na makalabas kahit sa loob ng kanilang mga selda dahil sa pangyayari.
Nitong 2019 ay pinarangalan si Carmelo bilang best provincial warden at itinanghal din ang Nueva VIzcaya Provincial Jail bilang isa sa top 10 best provincial jail sa buong Pilipinas dahil sa mga programang ipinapatupad sa loob ng kulungan kabilang ang maayos na samahan ng mga bilanggo.