Bahagyang bumaba ang bentahan at presyo ng baboy sa merkado kasunod ng ulat ng mga namatay na baboy dahil sa hindi pa matukoy na sakit ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI) .

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni BAI Director Ronnie Domingo na karamihan sa mga reklamo ng mga tindera ang matumal na bentahan dahil sa pangamba ng mga mamimili sa African Swine Fever kung kaya bumaba ang presyo ng baboy.

Pagtitiyak ni Domingo, ligtas pa rin kainin ang mga karneng baboy na ibinebenta sa mga palengke dahil ang insidente ng pagkamatay ng mga baboy sa Rodriguez, Rizal ay hindi maituturing na pambansang problema.

Sinabi ni Domingo na mahigpit ang mga nailagay na checkpoints upang matiyak na walang makakalabas na baboy sa apektadong lugar at naka-alerto rin ang mga meat inspectors at veterinarian sa mga katayan.

Samantala, inaasahang darating sa susunod na Linggo mula Europe ang resulta ng blood samples ng mga namatay na baboy na sinuri sa posibleng animal disease.

-- ADVERTISEMENT --